WIKANG FILIPINO, WIKA NG MUNDO
Pagmumuni para sa Buwan ng Wika 2017
Paolo Ven B. Paculan
Alam mo bang noong 2015, may 40 na namang salitang mula sa Filipino na isinali sa Oxford Dictionary. Puwede nang hanapin doon ng buong mundo ang mga salitang tulad ngbalikbayan, barkada, at baon. Bukod pa sa boondocks at anting-anting na naroon na dati pa.
Alam mo bang araw-araw nagkaklase sa Filipino ang mga estudyante ng lagpas 25 paaralan sa Dubai, na puwede kang magtapos ng AB Philippine Language and Literature sa Hawai'i, at na mag-download ng mga saliksik mula sa Filipino Language Center sa Russia?
Alam mo bang ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar ang pinakasikat na awiting Filipino sa buong mundo, at na kinakanta ito sa 26 na wika--kabilang ang Malay, Korean, Mandarin, Japanese, French, Dutch, Spanish, at Hebrew; at na sa sobrang sikat nito sa ibang bansa, akala ng iba na sa kanila nanggaling ang awiting ito?
Alam mo ba na ayon sa batas ang ating national sport ay Arnis, na nag-arnis si Bruce Lee sa pelikula niyang Enter the Dragon, na nasa Guiness Book of World Records tayo dahil dito, at na kung marunong ka nito, puwede kang makipag-sparring sa libu-libong nag-aaral nito sa mahigit 30 bansa?
Alam mo bang Filipino ang pangatlo sa pinakaginagamit na wika sa Estados Unidos, na bawal maglabas ng batas sa San Francisco kung wala itong salin sa Filipino, at na puwede kang maging certified teacher ng Filipino Language sa California?
Ang mga ito at marami pang iba ang patunay sa tema ng ating Buwan ng Wika ngayong taon. Sabihin n'yo nga: Wikang Filipino, Wika ng Mundo. Isa pa. Wikang Filipino, Wikang Mundo. Ayan. Salamat.
Matagal na nating inamin na malaki ang impluwensiya ng ibang bansa sa ating wika at kultura. Panahon naman ngayong ipagmalaki ang impluwensiya natin sa kanila, ang pagkilala nila sa kayamanan at kagandahan ng ating wika at kultura...Panahon din para isipin: pinahahalagahan ng mundo ang wika ko. Ako, gaano katindi ang pagpapahalaga ko rito?
Baka nabasa na ninyo ang tungkol kay Ivy Dulay, isang Fil-Am na tagapagtaguyod ng Filipino sa Estados Unidos. Siya yung nasa pinakakanan. Nakasama ko siya minsan sa isang kumperensya. Ikinuwento ko sa kaniya na hanggang ngayon may mga paaralan pa rin sa Pilipinas na pinarurusahan ang mga estudyante kapag nagsasalita sila sa Filipino. Hindi ko malilimutan ang sabi niya: "O, ano'ng ginawa mo?"...Natameme ako. Oo nga naman. Ba't ako nagrereklamo? Ano nga ba'ng ginawa ko? At ano'ng magagawa ko?
Isa tuloy sa mga ginawa namin: pormal naming sinaliksik kung bakit may magaling (ikaw ba iyon? sino yun sa mga kaklase mo?) at bakit may nahihirapan sa Filipino (katulad mo? katulad nino sa mga kaibigan mo?). Ibinalita pa namin ang resulta nito sa isang kumperensya sa Singapore. O ha?
Isa sa mga natuklasan namin: ang mga magagaling sa Filipino, nagsasalita nito sa labas ng klase sa Filipino at AP. Ganoon ka ba?....Mahal mo ba ang wika at kultura mo? O, ano'ng ginagawa mo?
Kaya heto ang gagawin natin. Para sa buong Buwan ng Wika, isasagawa natin ang Oplan: Panay Pinoy. Pakiulit, Panay Pinoy! Palaging Filipino!
Ibig sabihin, sa tuwing hindi kailangang mag-Ingles, mag-Filipino ka! Panay Pinoy.
Kapag nakaupo ka sa bangko sa labas ng klase, Panay Pinoy.
Kapag naglalakad ka papuntang banyo, Panay Pinoy.
Kapag kausap mo ang guro mo sa Ingles sa labas ng klase, Panay Pinoy.
Kapag nagpapatulong ka sa Matematika, Panay Pinoy.
Kapag nagpapatulong ka sa mga kawani, maintenance, at guwardiya natin, Panay Pinoy.
Tuwing rises, Panay Pinoy. Tuwing tanghalian, Panay Pinoy.
Kapag bumibili ka ng pagkain sa cafeteria, Panay Pinoy.
Kung gusto mo, kahit papauwi ka na, Panay Pinoy.
Sa lalaruin mo sa kalye, Panay Pinoy.
Sa bahay, Panay Pinoy.
Sa pipiliin mong meryenda, Panay Pinoy.
Sa pinakikinggan mong musika, Panay Pinoy.
Sa panonoorin mo sa telebisyon, Panay Pinoy.
Sa chat, Pinoy Pinoy.
Sa panliligaw, Panay Pinoy--uy epektibo yan a.
Kailan pa? Ikaw ang bahala.
Bakit? Para hindi nakakahiya kay Ivy at sa mga ibang katulad niyang ipinaglalaban ang karapatan nilang gamitin ang Filipino. Bilang anting-anting na pabaon natin sa susunod na henerasyon.
Isigaw natin mula sa boondocks na kung kinikilala n'yo kami, 'yan pa lang ang alam n'yo. Marami pang iba! At ipagdiriwang natin lahat ng iyan ngayong Buwan ng Wika.
Wikang Filipino, Wika ng Mundo. Pero una sa lahat: Wika Ko.
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, Ikaw na Salita ng Diyos Ama,
salamat na ginawa mo kaming Pilipino.
Salamat na binigyan mo kami ng Wikang Filipino.
Samahan mo kami sa pagdiriwang namin ng Buwan ng Wika
at tulungan mo kaming may gawin
bilang sukli sa lahat ng iyong biyaya.
Amen.
No comments:
Post a Comment