tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Sunday, November 12, 2017

paano magsulat at magtanghal ng dulang pantanghalan?

Matagal ko nang tanong ito.
Lalo na't taun-taon pinagagawa ng dula ang mga estudyante namin sa 3rd year (baitang 9 na ngayon).

Buti na lang nariyan ang mga mapagtatanungan kong sina Ron Capinding, Guelan Luarca, Jerome Ignacio, Chuckberry Pascual, at ang mga kaguro ko sa Filipino.

Matagal ko na ring iniisip kung paano ko magagamit ang karanasan ko sa dulang panradyo, sa pelikula, sa paglikha ng musika, at bilang guro at tagapagsalita.

Ngayong taon ko lang naramdaman na nagabayan ko nang mabuti ang mga estudyante ko sa paglikha ng dulang karapat-dapat sa paligsahang nagsimula noon pang 1967 at nasa kasaysayan natin bilang nagpauso ng pagsulat ng dulang Filipino.

Heto ang ilan sa balak kong alalahanin tungkol sa nangyari ngayong taon. Baka kailangang ulitin o higitan pa. Makatulong din sana sa sinumang may parehong tungkulin.

1) MAGLAAN NG ORAS.

Mahigit 2 buwan naming binubuo ang mga dula. Isang buwan mahigit sa konsepto at iskrip. Tapos 2 linggo mahigit sa pagtatanghal.

2) LIMITAHAN AGAD ANG KONSEPTO.

Ibigay na agad lahat ng hangganan.
Tutal "Design thrives on restrictions" sabi ni Ilse Crawford.
At sabi ni Bjarke Ingels: "We will not stop until we have incorporated every concern no matter how small. This is the recipe for making something extraordinary."

Kung sinabi ko na agad na dapat isang tagpuan lang at 7+ tauhan at 10 minuto ang max hindi na sana kami nag-aksaya ng oras sa napakaraming konseptong malayo rito.

3) MAGKUNWARING PRODUCER KA.

Dapat makagawa sila ng tinatawag ni John Elbert Ferrer na "elevator pitch".
Tapos dapat makumbinsi ako.
Hindi puwedeng payag lang ako nang payag tingnan natin kung gaganda habang tumatagal.
Mas mabuting maganda na siya ngayon tapos lalamanan na lang.

Liban na lang kung may malakas na kutob talaga ang estudyante. Na halos di ko na siya mapigilan gawin. Yun sige, puwede.

4) LINAWIN ANG TEMA.

Galing din kay John Elbert Ferrer: "It's a film about ____." Dapat daw lahat ng elemento yun ang ipinapakita. Revenge. Hope. Guilt. Lahat tungkol doon.

5) TANGGALIN ANG DI-KAILANGANG-KAILANGAN.

Magpapahina sa dula ang bahaging hindi essential katulad ng nagpapalabnaw ang tubig sa juice.
Baka mag-overtime pa kayo.
Kapag nasabi na nang maayos ang isang argumento tama na.

6) GABAYAN ANG MADLA TUNGO SA TEMA.

Ilagay nang suwabe ang tema sa mga diyalogo.
Parang time is gold, dapat parang wala nang bukas ng Waiting Room.

7) DAPAT MAY LINYA ANG KUWENTO.

Parang sa musika.
May intro, tapos first verse, tapos dagdag kaunti sa second, tapos prechorus medyo bitin, tapos chorus astig, tapos 3rd verse ulit pero iba na, bridge alanganin iniba may twist, tapos huling chorus pinakaastig, tapos ritardando sa huli.

8) DAPAT MARAMDAMAN NILA ANG LINYA. LALO NA ANG WAKAS.

Huwag mangyaring kailangan mo pang sabihing wakas.
Dapat damang-dama ng madla na nasabi n'yo na ang gusto n'yong sabihin.

8) MAY KUWENTO RIN ANG LINYA.

Parang mga masterclass ni Benjamin Zander. Kunektado ang mga nota para maging phrase. Ano ang relasyon ng isang salita sa isa pa, ng isang bahagi ng diyalogo sa isa pang bahagi.

Mula sa Paano Kung: "Magaling. Siguradong magaling nga si Junno...sa sining...NG PANGGAGAYA!"

9) BIGYAN NG DEADLINE ANG PAGSUSULAT.

Darating ang puntong mawawalan na ng saysay ang pag-eedit dahil kailangan nang mag-ensayo.
Maglaan din ng oras sa pag-eensayo. Di biro ang pagsasaulo at pagbuo ng chemistry.

10) ANG ENSAYO KAILANGANG...
sapat,
nabuo (7 beses yata sabi ni Segovia),
nagawa sa isip (mental rehearsal pinupuri ng sikolohiya).

11) ALAGAAN ANG SARILI.

Parang kuko sa classical guitarist at lalamunan sa mang-aawit,
kailangang manatiling malusog para makapagtanghal nang puno ng enerhiya.
Magsalita mula sa diaphragm.
Mag-toothbrush nang 3 beses sa gabi.
Huwag magpuyat o uminom at kumain ng matamis tsokolate acidic o bumabara (mani etc).
Magpahinga KAPAG sapat na ang ensayo.
Uminom ng tubig.

12) HUWAG PALITAN ANG MGA BAGAY KAPAG KULANG SA ORAS.

Sabi sa How to Think Clearly karamihan daw ng tao iniisip na above average sila.
So pinakarealistikong itanong: Gaano katagal ito magagawa ng isang normal na tao?
Kapag di kaya ng normal na tao, huwag mo nang gawin.
Hal. Magpalit ng cast, gumawa ng bagong eksena, magdagdag ng kumplikadong lights 2 ARAW BAGO MAGTANGHAL.

13) PANIBAGUHIN SA PAGTATANGHAL.

Sabi ni Ron: Mapaparamdam at mapapaintindi mo lang sa madla ang nararamdaman at naiintindihan mo SA SANDALI NG PAGBIGKAS.

Sa musika naman, kapag praktisadong-praktisado ka na, puwede mo nang paglaruan ang piyesa.
Iminumungkahi ko nga minsan sa banda: ok guys para sa susunod na run, babyuin nyo nga. Gawin nyo lang ang trip nyo. Minsan lumalabas doon ang mas relaxed malaro totoo at therefore mas magandang performance.

Sabi sa Shall We Dance: "Don't move until you feel it."
Dapat laging galing sa malalim na bahagi mo ang pagkanta o pagtugtog.
Para bang improv lagi kasi sinusundan mo uli ang daloy ng kalooban mo.
O pinapakinggan uli ang musika sa loob mo.

14) LINAWIN, SIMPLEHAN.

Sabi ng mga hurado, "Ang ganda, ang simple lang pero ang linaw."
Dapat LINAWIN ANG ISKRIP. Lalo na't hindi ito binabasa ng madla.

15) ALAMIN ANG LIMITASYON AT POSIBILIDAD NG PAGTATANGHALAN.

Saan may ilaw saan wala?
Saan mahina ang tunog saan malakas?
May sound system ba? Mga saksakan? Props na puwedeng hiramin?

16) MAY MAGALING GUMAWA NG KONSEPTO. MAY MAGALING MAGSULAT NG DIYALOGO.

Minsan ang pinakamagandang gawin para umayos ang dula ay ipasulat uli ito sa iba.
Ganoon ang nangyari sa In Absentia.

Kailangang tunog totoo ang diyalogo at hindi lahat ng tao magaling sa pakikinig sa boses ng iba-ibang tauhan.

17) MAKINIG SA MGA BOSES NA HINDI KATUNOG NG IYO.

Maganda itong pagsasanay.
Tapos magsulat ka ng diyalogo niya na nagsasabi ng pananaw na kabaliktaran ng pananaw mo.

18) PAGSASANAY PA LANG DAPAT PANG-ENTABLADO NA.

Kailan pa ituturo ang paglakas ng boses?
Ang paggamit ng mukha?
Paggalaw ng kamay at katawan na bagay sa linya?
Blocking?
Choreography o pagsasabay-sabay ng mga kilos o salita?
Sa mga pagsasanay pa lang ituro na.

19) LAMANGAN LANG ANG PAGKAPANALO.

Pagandahan ng tema.
O pagtatanghal.
Mas maraming nasa iyo mas mananalo ka.

20) LINAWIN ANG PATAKARAN NG PALIGSAHAN MULA SA SIMULA.

Bahagi ng mga limitasyon.

21) WALANG ASTIG NA DULANG HINDI PINAGHIHIRAPAN SA LABAS NG KLASE.

Kasama na riyan ang gurong sasali sa mga GC kahit hatinggabi
at magpupunta sa mga ensayo para makapagmungkahi kahit kaunti sa mga direktor.

22) MAGAGAMIT SA BLOCKING ANG...

  • lapit-layo (mga bahagi ng entablado)
  • taas-baba (mga antas)
  • tuon (pagtingin sa nagsasalita atbp.)
  • business (ginagawa habang nasa entablado)
  • saluhan (pagtugon sa ginagawa ng mga kasama)
Walang maling block. Meron lang epektibo at hindi epektibo para sa kahulugan ng eksena.

23) GAMITIN/ISAALANG-ALANG ANG PAGKA-DI-REALISTIKO NG ENTABLADO.

Meron namang suspension of disbelief.
Lakasan ang boses.
Humarap sa madla most of the time.
Mag-mime.
Makiusap o makipag-usap.


***

Sigurado may nakalimutan pa ako pero sapat na siguro ito sa ngayon.
Natutuwa lang akong habang may natutututuhan akong bago sa pagtugtog ng gitara o pagkanta
nailalapat ko rin sa pagtuturo.
Iba talaga ang galaw ng grasya.





No comments:

Post a Comment