PAGMUMUNI para sa 2 AGOSTO 2011, Unang Araw ng Linggo ng Wika
ni Paolo Ven B. Paculan
Uy. Kumusta?
Matanong nga kita.
Alam mo ba kung ilang wika mayroon sa Pilipinas?
Ilista mo nga sa sarili mo.
Tagalog, Cebuano, Ilokano, Chavacano, sige ituloy mo...
Ilan?
Ang tamang sagot: mahigit 170!
Ngunit nababawasan ito taun-taon dahil hindi na pinag-aaralan ng kabataan ang wika ng kanilang mga magulang.
O sige, baka nahirapan ka roon. Ito mas madali. Ano ang dalawang opisyal na wika ng Pilipinas ayon sa Saligang Batas?
Kung ang hula mo ay Filipino at Ingles, tama ka.
Ano ang pambansang wika ng Pilipinas?
Hindi na kita hihintayin. Oo, Filipino.
Susunod, ilang taon na si Rizal ngayong taon?
Mahusay! 150 taong gulang na ang ating pambansang bayani.
Ito, baka mahirapan ka. Ano ang mga ambag o kontribusyon ni Rizal sa Wikang Filipino?
Sige nga. Sabihin mo nga nang malakas.
Kung ang sinabi mo ay Noli Me Tangere at El Filibusterismo, medyo tama ka.
Kung nabanggit mo pa ang Mi Ultimo Adios, mas astig.
Pero pansinin mo, puro Espanyol ang nabanggit mo.
May nagawa ba talaga si Rizal para sa wikang Filipino?
Katulad ba siya ng ilang Atenistang Pilipino pero mas nagmamahal sa banyagang wika?
Heto ang sagot.
Alam mo bang may Ikatlong Nobelang isinusulat si Rizal? Sa kasamaang palad, hindi na ito natatapos ni Rizal. At ang kaibahan sa Noli at Fili, ninais niya itong isulat sa Tagalog! Sabi niya sa liham sa kaibigan niyang si Blumentritt: “Kung susulatin ko ito sa Espanyol, walang malalaman tungkol dito ang mga Tagalog na pinag-aalayan ko, gayong sila naman talaga ang nangangailangan nito.” Alam na ni Rizal noon pa lang na kailangang umayon sa wika ng iyong pinag-aalayan!
Heto pa. Alam mo bang u-i-c-a dati ang baybay o ispeling ng salitang wika? At alam mo bang si Rizal ang nagsabing dapat w-i-k-a ang gamitin natin? Iyan at ang marami pang kalituhan sa ispeling ay winasto ni Rizal sa kaniyang akdang Sobre La Nueva Ortografia de la Lengua Tagalog. At karamihan sa mga panukala niya noon ay nanatili hanggang ngayon. Nabago ni Rizal kung paano tayo magbaybay!
Isa pa. Sa Tagalog ba magkatugma ang salitang “isip”, “pag-ibig”, “titik”, at “dibdib”? Magkakatugma ba iyon? Kahit na nagwawakas sa “p”, “g”, “k”, at “b”? Ang sagot ay oo! Pinatutunayan ito ng mga tulang Tagalog bago pa man dumating ang mga Kastila at ng paborito ni Rizal na Florante at Laura ni Balagtas. Sino ang nagpaliwanag nito sa mundo? Si Rizal pa rin sa isang panayam sa Alemanya na pinamagatang Tagalische Verskunst na isinalin niya sa Espanyol bilang Arte Metrica de Tagala. Ipinaliwanag niya rito kung paano tumugma at tumula ang kaniyang mga kababayan. May kopya sa ating aklatan ng gawang ito ni Rizal para sa wikang Tagalog.
Heto pa. Alam mo bang gumawa si Rizal ng Diksyunaryong Ingles-Tagalog? Isa sa mga unang binigyan niya ng depinisyon ang “A1” na ang kahulugan ay “anumang bagay na totoong magaling” o “sasakyan na pinakamagaling sa listahan”. A1 talaga si Rizal sa mga wika at sa pamamagitan ng Diksyunaryong ito, maari ring maging A1 ang kapwa niya Pilipino!
Isa pa. Alam mo bang isinalin ni Rizal sa Tagalog ang mga kuwento ni Hans Christian Andersen? Lima ang isinalin niya para sa kaniyang mga pamangkin. Ang “Ugly Duckling” ay naging “Ang Pangit na Sisiw ng Pato” at si “Thumbelina” ay naging si “Gahinlalaki”. May drowing pa. Nagsalin din siya ng isang buong dula mula sa Aleman: ang akda ni Friedrich Schiller na ang pamagat sa Tagalog ay Guillermo Tell.
Marami pa sana akong ikukuwento pero parang mas gusto kong ikaw na ang magdagdag sa listahang ito.
Ilang huling tanong na lang.
Nagsisimula ngayong araw ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa buong Pilipinas. Tulad ba ng mga ibinahagi ko, trivia na lang ba ang wikang Filipino para sa iyo? Ilan sa ating mga Atenista ang katulad ng dakila nating kamag-aral? O kung hindi man, ilan sa inyo ang gustong maging tulad niya sa pagmamahal na kumikilos para sa Inang Wika at Inang Bayan?
Manalangin tayo:
Diyos naming ama, sa dakila mong plano,
ginawa mo kaming Pilipino,
at binigyan mo kami ng wikang amin lamang.
Tulutan mong malaman namin kung paanong
gamitin ang wikang ito
upang maganap ang iyong gusto
at sa huli'y tumungo kami sa iyo.
Idinadalangin namin ito sa matamis na pangalan ni Hesus, Amen.
Sa ngalan ng Ama, ng anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Magandang umaga sa inyong lahat.
At maligayang linggo ng wika, Ateneo.
No comments:
Post a Comment