tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Saturday, February 8, 2020

PAIBAYO 2020

Isinulat ko ito para gawing babasahin ng mga estudyante ko sa Sanaysay. Pero matagal ko na rin talagang gustong isulat. Noong panahong ikinukuwento ko pa lang. Napakarami nga yatang karanasang nalimot na dahil hindi naisulat. Kaya mabuting ito man lang ay mailathala na, kahit dito lang sa kuwaderno ko sa internet.

PAIBAYO
Paolo Ven B. Paculan 2020

1               Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad…

2               Isa itong linyang paulit-ulit kong narinig sa paaralan at madalas pang awitin bilang bahagi ng koro sa simbahan. Hindi tuloy kataka-takang pagkatapos ko ng kolehiyo una kong naisipang magtrabaho sa isang NGO. 

3               Trabaho ko noon ang pumunta sa mga lugar sa laylayan ng lipunan at tulungan ang mga tao roon na solusyonan ang kanilang mga problema nang sama-sama. Isa sa madalas kong puntahan ang Ibayo Ususan, Taguig. ‘Ibayo’ ang tawag kasi tatawid ka pa ng ilog para makarating doon. Piso ang bayad sa bangkang hindi sinasagwan kundi hinihila ng bangkero sa pamamagitan ng lubid na tumatawid din sa ilog.

4               Kapag may miting ang mga taga-Ibayo Ususan nagsisimula kami sa panalangin at pagkatapos sa pagtatawag ng attendance. Napapansin naming laging wala si Aling Au. Tumanggap na naman daw ng palaba sabi ng isa. Naiinis na kahit ako kasi parang inuuna pa niya ang pera kaysa progreso ng buong komunidad.

5               Kaya minsan, sinadya ko siya sa bahay. Para walang takas sabi ko. Paakyat pa lang ako ng kubo nila nagtaka na ako sa tila matamis na simoy na nanggagaling sa loob. Wala na naman si Aling Au, pero naroon ang kaniyang asawang si Mang Pabling. 

6               Nakahiga siya sa sahig dahil di na siya makatayo. Dati raw siyang nagtatrabaho sa ‘kontraksyon’ at isang araw nang pauwi siya, bumuhos ang ulan, at di niya alam kung bakit pero bigla na lang bumagsak ang katawan niya sa lupa. Noon niya nalamang may diabetes siya at di na maaaring magtrabaho. May mga sugat siya sa likod na hindi gumagaling—epekto ng sakit at marahil pinagmumulan ng amoy ng silid.

7               Dumating din kalaunan si Aling Au mula sa paglalaba na kaya pala niya ginagawa’y para matustusan ang gamot na kailangan para manatiling buhay ang kaniyang asawa. Insulin.

8               Nagtanung-tanong ako sa opisina at nalaman kong namimigay kami ng libreng insulin! Ngunit kailangang ang pasyente mismo ang kukuha sa opisina naming mahigit isang oras ang layo sa Ibayo Ususan. Dahil alam kong maglalaba pa si Aling Au, minabuti kong ako na ang kumuha at maghatid sa kaniya sa susunod kong pagbisita.

9               Ilang ulit ko na itong ginawa nang ipatawag ako ng bos ko. Sabi niya: “Alalahanin mo: naroon ka para sa organisasyon. Hindi para sa mga indibidwal na gusto mong tulungan.”

10            Sinikap ko namang hindi mapabayaan ang organisasyon. Pero hindi ko rin hinayaan lang sina Aling Au at Mang Pabling. Nalaman kong hindi sila kasal kaya kinuntsaba ko si Fr. Sid na kura paroko nila noong panahong iyon, isinama ko pa ang kasintahan kong may dalang pansit mula sa kanilang tindahan, at doon, sa munting kubo sa kabilang ibayo, ginanap ang sakramento. Iyak nang iyak si Aling Au pagkabigkas niya ng ‘Opo, sa hirap at ginhawa, sa kalusugan at sa sakit, hanggang kamatayan.”

11            Nakailang bisita pa ako bago tuluyang umalis sa NGO para makapagturo. Nagtaka ako nang minsang samahan ako ni Aling Au pagtawid sa ilog, pabalik sa sakayan ng dyip. Baka may pupuntahang kostomer naisip ko. Pero bago ako makasakay, huminto siya sa paglalakad at sinabi sa akin: “Maraming salamat talaga.” At inilalagay sa palad ko ang 500 piso.

12            Naisip ko isang buong araw na siguro ng paglalaba ang katumbas noon. At pinalaki ako na naniniwalang mas mabuting magbigay kaysa tumanggap. At nag-aral ako sa paaralang nagturo sa aking maging bukas-palad, lalo na sa mga mas nangangailangan.

13            Pero hanggang ngayon pinagsisisihan ko pa rin kung bakit hindi ko kinuha ang 500 piso ni Aling Au.

No comments:

Post a Comment