Hindi ko maalala kung kailan pa ito. Pero matagal na matagal na kasi "linggo" pa ng wika ang tawag. Siguro mga 2000-2005.
Pagmumuni para sa Linggo ng Wika #4
Pagmumuni para sa Linggo ng Wika #4
SALAMAT sa DIYOS at PILIPINO AKO!
Magandang umaga.
Ngayong patapos na ang Linggo ng Wika,
may apat na tanong ako para sa iyo.
Una,
Kung ipapanganak ka uli sa mundo,
pipiliin mo bang maging Pilipino?
Ito ang pinagbotohan ng ilang bumisita sa blog ng linggongwika.
Sa mahigit 100 sumagot,
46% ang nagsabing “Oo! Pilipinas, ikaw lamang wala nang iba!”
Mukhang karamihan pa rin sa atin ang talagang nagmamahal sa bayan.
11% naman ang nagsabing “Hindi 'no! Ang daming problema rito!”
Oo nga naman, may punto rin sila.
At napakarami talaga nating kababayan na kailangang mabigyan ng mas maginhawang buhay.
Ngunit 43% din ang nagsabing
Pipiliin mo bang maging Filipino?
“Ewan, basta Pilipino ako ngayon. At astig 'yon.”
Kung iisipin mo talaga,
pinili ng Diyos na ipanganak kang Pilipino.
Nilikha ka niyang Pilipino.
At kung anuman ang dahilan Niya para roon,
siguradong magandang dahilan iyon.
Kaya magpasalamat tayo ngayon sa Diyos
para sa kung sino tayo.
Pilipino tayo. At astig 'yon.
2
Pangalawang tanong:
Kung mawalay ka sa Pilipinas,
ano kaya ang hahanap-hanapin mo?
Ano 'yung talagang mami-miss mo
na dito lang matatagpuan?
Malamang una mong maiisip ang pamilya
at mga kaibigan.
Oo nga, marami kang mahal na Pilipino.
Pero ano pa?
Ensaymada't tsokolate?
Mangga't suman?
Puto bumbong, bibingka, at parol?
Binagoongan, tsitsaron, lechon?
Tinola, inasal, adobo?
Kinilaw, bulalo, sisig?
Nakakagutom ba?
Iyan din ang mga pagkaing hinahanap-hanap ng mga kababayan nating
nangibang-bayan.
Eto naman:
mga dalampasigan ng Boracay, Palawan, Ilocos, Batangas.
mga bundok ng Taal, Mayon, San Mateo, Bohol.
'yung hitsura ng Marikina pag gabi.
'yung simoy ng hangin sa Antipolo.
'yung mga kalyeng papunta sa bahay mo.
'yung palengke sa probinsya niyo,
'yung punong inaakyat mo noong bata ka pa,
'yung ilog na lagi mong dinadaanan at baka dating nililiguan,
at kung saan mang parang ayaw nang umalis ng puso mo,
iyan ang bansang
ibinigay ng Diyos sa iyo.
Kaya ngayong araw, magpasalamat din tayo sa Diyos
para sa ating tahanan
sa ating kanlungang
Pilipinas.
3
Pangatlong tanong:
Kailan mo huling iniyakan ang Pilipinas?
O kaya ito:
Kailan mo huling ipinagdasal ang Pilipinas?
Kailangan ba itong ipagdasal?
Nakikita mo araw-araw sa diyaryo at telebisyon ang mga problema natin.
Mababang kalidad ng edukasyon.
Diskriminasyon sa mga pangkat etniko.
Paglimot sa mga mahihirap.
Pamumunong makasarili.
Mga taumbayang walang pakialam
o dating may pakialam pero nagsawa na.
Pero hindi mo rin kailangang lumayo pa
para makakita ng problema.
Mga Atenistang hirap bumili ng libro.
Mga Atenistang walang-galang sa mga nagsisilbi sa cafeteria.
Mga Atenistang nagkakalat, nandaraya, nagmumura sa EDSA.
Mga Atenistang tinatamad, nalulungkot, namomroblema.
Iyan din ay Pilipinas
Iyan din ang bansang ibinigay sa iyo ng Diyos.
4
Huling tanong:
Ano na ang nagawa mo para sa Pilipinas?
Ano na ang balak mong gawin para sa Pilipinas
pag matanda ka na?
pag nagtatrabaho ka na?
E ngayon, ano ang ginagawa mo para sa Pilipinas?
Paano mo gagamitin ang Matematika, Agham at iba mo pang pinag-aaralan
para mabawasan ang pasakit ng iyong mga kababayan?
Paano ka mabubuhay sa araw-araw
para maging bahagi ka ng solusyon
at hindi ng problema?
At kapag maglilingkod ka na,
anong wika ang gagamitin mo?
Minsan sa klase namin sa Pilosopiya,
sinabi ni Padre Roque Ferriols, SJ:
“Tinatanong ako kung bakit ako nagtuturo ng pilosopiya sa wikang Filipino.
Sagot ko: Paano ba magsalita ang mga nagmamaneho ng traysikel?
Anong wika ang ginagamit nila?
Iyon ang dahilan.”
Oo nga naman,
gamitin mo ang wika ng iyong paglilingkuran.
Ang tao-para-sa-kapwa-Pilipino,
ay tao ring nagsisikap magmahal sa wikang Filipino.
Manalangin tayo:
Diyos naming Ama,
Maraming salamat po para sa pagkakataong maipagdiwang ang aming wika
at ang aming pagka-Filipino.
Maraming salamat na nilikha mo akong Filipino,
na binigyan mo ako ng mga karanasan bilang Filipino na masarap balik-balikan.
Iniaangat ko po sa iyo ngayon ang aking bayan,
hilumin mo ang mga sugat nito, gamutin ang mga sakit, turuan ng daan.
Gusto ko pong tumulong sa aking bayan, Panginoon.
Ituro mo po sa akin kung paano.
Sa ngayon, iniaalay ko lahat ng aking pag-aaral at pagsisikap
sa Iyo, para sa aking mga mahal sa buhay, at para sa aking bayan.
Tulungan mo po kaming makausap ang aming mga kababayan.
Bigyan mo kami ng wikang magdudulot sa amin ng pagkakaisa at pag-unawa.
At kung ipagkakaloob ninyo,
bigyan mo kami ng pagkakataong itaguyod at paunlarin ang aming Wikang Filipino.
San Ignacio, Ipanalangin mo kami.
No comments:
Post a Comment