tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Saturday, February 8, 2020

TATLONG SALITA PARA SA LINGGO NG WIKA 2010

TATLONG SALITA para sa LINGGO ng WIKA
(Pagmumuni para sa umaga ng 02 Agosto 2010)
Paolo Ven B. Paculan

Noong nakaraang linggo, naganap ang Sawikaan 2010.  Isa itong kumperensya kung saan pinipili ng mga eksperto sa wika ang salita ng taon.  Ngayong simula ng Linggo ng Wika, tingnan natin ang ilan sa mga salitang nakaapekto sa ating lahat kamakailan.

Unang salita: “Ondoy.”  Salita itong lumilikha ng takot sa marami at nagpapaalala ng masamang karanasan.  “Na-Ondoy kami, pare.”  “Nasaan ka noong Ondoy?”  “Sana hindi na magka-Ondoy.”  Ngunit ito rin ang tawag sa Task Force ng mga Atenistang nagsama-sama at tumulong sa mga biktima.  “Ondoy” ang pangalan ng sakuna, ngunit “Ondoy” rin ang pangalan ng kilusang nagsikap na lumutas dito.

Ikalawang salita: “Wang-wang.”  Para sa ilan, katumbas ng salitang ito ang pang-aabuso, kasingkahulugan ang katiwalian.  Pero ngayon, “bawal na ang wang-wang.”  Simbulo ito at kongkretong aksyon tungo sa pagbabago.  “Wala nang wang-wang,” sabi ng mga tao.  At habang sinasabi, bahagya silang nakangiti na para bang nabuhayan uli ng pag-asa para sa bayan.

Huling salita: “Jejemon.”  Sa iba, katumbas ito ng kamalian sa balarila, kasablayan sa pananamit, kabaligtaran ng astig at panalo.  “Jejemon” na ngayon ang dating “jologs” na dating “baduy”.  Pinag-uusapan ang jejemon sa mga chat room, naitampok sa telebisyon, naging kanta, naging alpabeto, naging paraan ng pananamit, naging isang buong bagong kulturang nadidiyaryo hindi lang dito kundi pati sa ibang bansa.  Sa sobrang laki nito, nagdeklara ng giyera rito ang Kagawaran ng Edukasyon dahil nakasasama raw sa kabataan.  

Ngunit sa kabilang banda, kung hindi natin ito agad huhusgahan, may pinatutunayan ang jejemon.  Ipinakikita nila na puwedeng lumikha ng bagong kultura, na puwedeng magsama-sama ang maliliit na tao, na kahit kung-sino ka lang puwede kang mapansin ng mundo.

At kahit hindi sang-ayon sa panlasa mo ang sabihing “3ow ph0w, mUsZtAh nA?” hindi mo maitatangging may nagawa silang kakaiba sa mundo nating puro na lang remake ng lumang kanta.

Kundi man sa ibang bagay, mahawahan sana tayo ng mga jejemon ng kanilang kapangahasang gumawa ng pagbabago nang mawala na talaga ang mga wang-wang, at kung maulit man ang Ondoy ay handa na tayo.

Manalangin tayo.

Panginoong Hesus, Salita ng Diyos, salamat po na may wika kaming walang katulad.  Tulungan mo kaming gamitin ang wikang ito sa pagsisikap naming unawain, tulungan, at samahan ang isa’t isa.  Amen.

Maligayang Linggo ng Wika sa inyong lahat.  Magsisulong sa Hudyat ng Pagbabago!

No comments:

Post a Comment