tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Saturday, February 8, 2020

PAGKATAPOS NG ONDOY

Lumabas ang artikulong ito sa Hilites Magazine ng Ateneo de Manila High School noong 2009. First draft ito at bunga lang talaga ng bugso ng damdamin kaya pagpasensyahan ang mga pagkukulang sa gramatika, lohika, atbp. Wala nga itong pamagat pero ginawang "Ondoy-ondoyan ni Paolo Paculan" ng mga editor. Isinulat ko ito para sa mga estudyante noong panahong iyon. Pero baka may halaga pa rin hanggang ngayon. 

Hindi ko alam kung kailan mo mababasa ito, kung gaano na kaluma ang isyu o kung gaano ka na kasawang makarinig ng tungkol dito.  Hindi ko lang talaga maiwasang isulat ang mga bagay na ito bilang isang nasalanta, nasiraan ng bahay, at nag-aalala sa mangyayari sa mga anak ko kung mangyayari uli ito.  Kaya pasensya ka na.  May tatlong bagay lang akong nais ituwid sa mga kabulastugang madalas kong marinig.

KABULASTUGAN1: The disaster was a great equalizer, affecting rich and poor alike.

Nalulungkot akong mabasa ito sa paborito kong kolum, sa artikulong isinulat ng isang matatawag nating twentysomething yuppie, na dapat sana’y may mas malalalim nang naiisip tungkol sa kaniyang bansa.

HINDI PANTAY-PANTAY!  Kung mayaman ka, hindi ka kailangang tumira sa mismong tabing-ilog ng Tumana kung saan umabot ng 4 na palapag ang baha.  Kung mayaman ka makapagpapagawa ka ng 2nd o 3rd floor at hindi ka malulunod habang nagtatago sa kisame ng inyong bungalow.  Kung mayaman ka, makakaalis ka pa rin ng bansa sa isang business trip 2 araw pagkatapos bahain ang bahay mo dahil kaya mo namang bumili ng bagong maleta at damit (Mabuti hindi nabasa ang passport mo.)

Kung mayaman ka, iiyakan mo ang computer box ng kotse mo.  Kung mahirap ka, luluhaan mo ang bangkay ng baby mo sa evacuation center.  Kung mayaman ka, mahihirapan kang mag-ayos ng bahay at manghihinayang ka sa library mong nabasa.  Kung mahirap ka wala ka nang bahay na uuwian.  Kung mayaman ka mababalita ka sa international news na iniligtas ng isang guwapong artista mula sa bubong ninyo.  Kung mahirap ka lalabas ang video ninyong nagsusurfing sa baha sa ibabaw ng mga water lily at pagtama ninyo sa tulay, hindi na kayo makikitang muli.

Hindi ito guilt trip sa mga mayayaman.  Isa ako sa mga nag-aalala lang sa naputikan kong U2 Joshua Tree album at nagluluksa sa hindi-ko-na-mabuksang Arnold schwazenegger’s Bodybuilding Encyclopedia at nagpapagawa lang ng ref at washing machine.  Ligtas ang pamilya ko, nakakapag-facebook pa ako noong kasagsagan ng bagyo.  Pero isang malaking kalokohang isipin na “Pare-pareho lang tayong lahat.  Lahat naman tayo mahirap.  Lahat tayo naapektuhan.”  (Kung hindi mo narinig na sarkastiko ang tono noon, basahin mo uli.)  Palusot na naman natin ito para iwasang solusyonan ang kahirapan.

KABULASTUGAN 2:  There are many reasons for the effects of this typhoon, foremost of which are global warming, our lack of equipment since we are a third world nation, and individual irresponsibility.

Sa lahat ng nagsabi nito, $#%@#^@%& ninyong lahat.  ISA LANG ANG DAHILAN para sa lahat ng ka-%^&^#$&@&&^ nangyari noong Ondoy—HINDI GUMAWA NG PARAAN ANG MGA NASA KAPANGYARIHAN.  

O sige, dapat nanood kami ng news noong gabi bago mangyari—pero ano ang makikita namin: may bagyo?  Taun-taon may 20 bagyong tumatama sa Pilipinas, sanay na kami!  Ang dapat sinabi ninyo, mag-evacuate na kayo kung ayaw n’yong mamatay!  ‘Yon makikinig kami.  Pero walang nagsabi noon.

Eto ang malupit.  Literal na wala sa radar ng PAG-ASA ang Metro Manila!  Sila mismo ang umamin na sa ___ radar na mayroon sa bansa, blind spot ang Metro Manila!  Eto pa, ang Doppler radar na magiging ”pag-asa” ng bansa natin ay 20 taon, uulitin ko, dalawampung taon nang ginagamit ng mga ibvang bansa.  Kaya lang kaoorder pa lang natin nito kaya sa 2010 pa magkakaroon!  Sana sakop na ang Metro Manila, ano.  Ganito ang sitwasyon kahit na noong nakaraang taon lamang, ____ ang badyet ng PAG-ASA para sa kagamitan.  Huwag mo na raw itanong kung saan napunta.

Global warming.  Ito ang unang sinisisi ng mga taong nagkulang.  Iyong mga taong mayroon sanang nagawa para pigilan ang mga nangyari, ang una nilang maiisip na palusot—global warming.  ”Kasalanan ng developed countries dahil sa mga CO2 emmisions nila.  Kasalanan ninyo dahil kalat kayo nang kalat ng basura.”  Kulang na lang sabihin nilang: ”Kasalanan ng Diyos!  Ginawa niyang ganito ang mundo natin!”  Pero ang katotohanan ay kasalanan nila—ng National Disaster Coordinating Council (ano ang kinoordinate nila?); ng local governments na nagpatira sa mga mahihirap sa tabing ilog; ng mga nasa gobyernong pumayag sa quarrying, river reclamation, at nagbigay ng titulo sa mga bundok na dapat sana’y hihigop sa tubig bago bumagsak sa atin.  

Wala tayong magagawa sa global warming.  Pero hindi kailangang maging sakuna ang delubyo.  Nagiging sakuna lang kung walang gumagawa ng paraan para protektahan ang mga taumbayan.

KABULASTUGAN 3:  We were all affected by the onslought of Ondoy.

Ang maulngkot na katotohanan: hindi yata naapektuhan ang karaniwang Atenista.

May mga kaklase tayong naka-casual dahil inanod ang uniporme (at ano pa kaya?)  May mga guro at staff at maintenance tayong nagkukuwento nang nakakatakot.  Pero nagtanong ako sa mga klase ko sa unang araw nating pagbalik ng dalawang tanong.

Unang tanong: Sino ang mga binaha?  May ilang nagtaas.  (Nagulat ako dahil kaunti lang.  Baka ayaw pang umamin, sabi ng isang kaibigan.  Mayayaman ang Atenista, sabi ng isa pa.)

Ikalawang tanong: Sino ang mga naapektuhan kahit hindi binaha dahil sa mga kaibigan, kamag-anak, kababayan?  MAY ILAN PANG NAGTAAS.

Ano ang nangyari sa mga hindi nagtaas?  Bakasyon?  Yehey, no classes?

Kung ikaw, Atenista, ang susunod na mamumuno sa bansa?  (Building the nation?  Ha!)  Kung ikaw ang mailalagay sa kapangyarihan kalaunan, mukhang kailangan ko nang ihanda ang pamilya ko sa susunod na evacuation.

1 comment: