tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Saturday, February 8, 2020

I'M NOT A FILIPINO 2012

I’M NOT A FILIPINO?

PAGMUMUNI para sa
BUWAN ng PAGKA-PILIPINO 2012

Mr. PAOLO VEN B. PACULAN
Pinuno ng Asignaturang Filipino

Pumunta kami minsan ng pamilya ko sa Fully Booked sa Bonifacio High Street. Parang langit sa mga anak kong mahilig sa libro ang lugar na iyon.

Pero siyempre gusto ko magagandang libro ang bilhin nila. ‘Yung hindi lang masarap basahin pero may matutuhan sila. Kaya tinulungan kong mamili ang bunso kong si Biboy.

Pitong taong gulang yata siya noon at napaka-Ingglisero. Natuto kasi siyang magsalita noong nasa Play School na siya at wala nang ibang pinanood kundi Nickelodeon at Cartoon Network.

Dahil guro ako ng Filipino, pumili ako ng librong magtuturo sa kanya ng mga pagpapahalagang itinataguyod ko araw-araw.

“Ito, Biboy, gusto mo?”

“What’s that?”

“Ito o. Tingnan mo ang pamagat.”

Tiningnan niya.

 “Stories for Filipino Children.”

Ngumiwi siya at nagsabing:

“But Dad, I’m not a Filipino.”

Parang gusto kong ihampas sa kaniya ang aklat. Pero siyempre dahil mabuti akong ama, nagmukmok na lang ako. At nangakong malalaman rin niya balang araw ang kaniyang nasyonalidad.

Pero nasyonalidad lang ba ang pagka-Filipino? Hindi ba ito diwa? Paraan ng pag-iisip? Laman ng puso?
 
Ilan kaya sa inyo ang nakaramdam na rin ng naramdaman ni Biboy?
“But, I’m not a Filipino.”

Mas magaling akong mag-Ingles. Mahilig ako sa pasta at hamburger. Ang laman ng MP3 player ko halos puro musikang dayuhan.

Hindi ako nanonood ng pelikulang Pilipino. Hindi ko maintindihan kung bakit puro ampon ang bida sa mga teleserye. At kung bakit ang helmet ay sinusuot ng mga nagmomotor...sa anong bahagi ng katawan? Tama, sa siko.

Baka nga Pilipino na lang ako sa nasyonalidad, sa pasaporte, sa papeles. Pero hindi sa puso.
 
Pero teka, bakit ka malungkot?

Bakit ka malungkot na hindi ka lubos na Pilipino? Na hindi mo maipagmalaki ang pagka-Pilipino mo?

Baka Pilipino ka naman pala talaga.
 
Magaling kang mag-Ingles. Pero kung magtanong ka kung kumain na ang isang tao sinasabi mo:

“Have you eaten already?”

Di ba dapat “Have you eaten” lang?  

Kaya lang di mo matanggal ang salitang “na” sa isip mo. Minsan tuloy nagiging “Have you eaten na?” Kitam’. Pinoy ka pa rin!

Kapag maraming kotse sinasabi mo: “Grabe, it’s so traffic.”

Naku, mali. Dapat “The traffic is so heavy, pare.”

Kaya lang dahil pinoy ka, “trapik” ang tawag mo sa “matrapik” na sitwasyon.

Mahilig ka sa spaghetti. Minsan authentic Italian pa ang trip mo. Pero nasasarapan ka rin sa matamis ang timpla. Lalo na ‘yung may hotdog at pulang-pula, katulad ng mabibili mo riyan sa isang restoran sa Katipunan.

Doon ka rin bumibili ng hamburger. Oo, kumakain ka ng hamburger. Pero kumakain ka rin ng pisbol, ng squid ball, ng chicken ball, ng isaw, ng kwek-kwek, ng tukneneng, at para sa iyo napakabango ng bagoong! Pinoy ka kasi.

Hindi ka nanonood ng sineng Pinoy? Kung ganoon, nako, ‘yan ang mali mo! Napakaraming maganda. At nakakatawa. At maituturing na obra maetsra. 
Alang-alang man lang sa alaala ni Dolphy ay manood ka na sa susunod na Sabado!

Hindi mo naiintindihan ang helmet sa siko?
O ang katiwalian sa gobyerno?

O kung bakit nananalo sa eleksyon ang mga artista?

Puwes, ako rin! Hindi ko rin lubos na maintindihan. Pero may mga hula ako. Kailangan magkahula ka rin. Hindi lang sa ugat ng problema kundi sa mga posibleng solusyon. At sa mga lehitimong dahilan kung bakit nariyan pa rin ang mga pesteng problemang iyan.

Naiinis ka rin sa katiwalian di ba? May pakialam ka. At iyan ang isa sa pinakatunay na sukatan ng pagka-Filipino. Mahal mo ang bansa mo. Kahit ano ka pa at kahit ano pa siya, gusto mong may gawin para sa iyong Inang Bayan.

At iyon siguro ang nagbibigay ng pag-asa sa akin. Ingglisero ang anak ko dati. Pero puwede ko siyang kulitin araw-araw at ibili ng librong hindi niya maintindihan kung bakit ko binili. Alam ko kasing balang araw makikita niya kung sino siya—anak ko siya, at pareho kaming anak ng bayang Pilipinas.

Kaya Biboy, Malaika, mga anak, para sa inyo ang pagmumuning ito. At para rin sa inyong lahat—kayong nagmamahal sa Pilipinas pero hindi pa lang alam kung paano ipakikita.

Manalangin tayo. +

Diyos naming Ama, ibinigay mo sa amin ang aming bansa. At lahat ng sarap, at hiwaga, at hamong dala nito.

Ngunit ibinigay mo rin kami sa aming bansa. Sana tulungan mo rin kaming maging biyaya sa aming Inang Bayan. Hindi lang balang araw kundi ngayon na. +

Mabuhay ang Pilipinong Atenista.

Mabuhay ang Atenistang Pilipino.


No comments:

Post a Comment