tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Saturday, March 8, 2014

PANGKAT-AKLAT: para sa mas malalim na pagbabasa

Isa sa palaging reklamo ng nagtuturo ng nobela:

"Maganda naman ang pinabasa kong nobela. Handa naman ako sa leksyon. Pero kapag hindi sila nagbasa, wala rin. Kung sino lang ang nagbasa, sila lang ang kausap ko sa diskusyon! Nagbibigay ako ng kwis pero di sila natatakot dito.

"Paano ba sila hikayating magbasa?"

Sinimulan ko ang ikaapat na kapat nang iniisip ito.

Pinili namin ang nobelang Ang Lihim ng San Esteban (Annette Flores Garcia 2012) dahil madaling maintindihan, may kababalaghan, at tungkol sa pagmamahal sa lupang tinubuan.

Pero paano matitiyak na babasahin nila?

Sinubok ko na ang pagsasabi kung gaano kaganda ang aklat. Di lahat nagbasa.

Sinubok ko na rin na may pagsusulit bago pa pag-usapan ang akda. Di pa rin lahat nagbasa.

Kailangan gumamit ng sandatang hindi ko pa inilalabas: Hiya. Peer pressure. Bagay na bagay na motibasyon sa mga binatang tinuturuan ko ngayon.

Kaya sinubok namin ang isang stratehiyang kahawig ng Literature Circles.
(Tingnan ang http://www.ipadlitcircles.com/uploads/1/0/6/6/10664962/lit_circles.role_sheets.pdf at http://www.youtube.com/watch?v=yVK9ZV-AinA.

Tinawag namin itong PANGKAT-AKLAT.



Proseso

1. Bumuo ng mga grupong tigpi-7 miyembro na magkakatabi.

2. Pumuwesto sa isang perpektong bilog na may mesa pa rin sa harap para madaling magsulat at magbukas ng aklat. Kailangang nakikita ng bawat isa ang mukha ng bawat kagrupo.

3. Bigyan ng tungkulin ang bawat miyembro. Ito ang kaniyang takdang-aralin. Ito rin ang kaniyang kontribusyon sa diskusyon sa susunod na sesyon. Sa susunod na pangkat-aklat, iikot ang mga tungkulin.

4. Subaybayan ang ginagawa nila. Puwedeng markahan ang pagbigkas ng bawat isa ng iskrip ng kanilang tungkulin. Puwede ring markahan kung paano sila makilahok sa diskusyon. Puwede ring hingan ng ulat ang pinuno ukol sa mga nasabi at nangyari sa grupo.

5. Magbigay ng sariling paglalagom at pagpapalalim sa kuwento. Itama ang mga mali at punan ang mga kulang na napansin sa diskusyon. At magbigay ng indibidwal na kwis.

Mga Tungkulin

Sinubok naming may aliterasyon ang mga pangalan. At na pinuno o dakila ang bawat isa.

1. DRAYBER ng DALOY o SACRISTAN MAYOR

Siya ang tagapagpadaloy ng diskusyon. Tinitiyak niyang kasali ang lahat sa diskusyon. Siya rin ang nagsusulat kung sino ang gumawa ng takda, kung sino ang nakikilahok sa diskusyon, at kung sino ang nagsasalita sa purong Filipino.

2. PANGULO ng PAGLALAGOM

Ikinukuwento niya ang mahahalagang pangyayari sa mga kabanatang pinabasa.

3. LAKAN ng LARAWAN

Gumagawa siya ng larawan (puwedeng sariling guhit, download, o collage) na magpapakita ng pinakamahalagang nangyari o sinabi sa mga takdang kabanata.

4. SUPREMO ng SALITA

Nagpapaliwanag ng 5 salitang mahirap/mahalaga sa mga takdang kabanata. Puwedeng mamili ang grupo ng paborito nila.

5. KATIPUNERO ng KUNEKSYON

Naghahanap ng kuneksyon ng 5 detalye ng kuwento sa ibang akda, sa ibang bahagi ng kasalukuyang akda, at sa totoong buhay.

6. KAPITAN ng KAASTIGAN

Nagbabahagi ng magagandang pagkakasabi sa kuwento: mga tayutay, idiyoma, mahusay na paglalarawan, magagandang diyalogo, atbp. Kailangang nakatuon ito sa galing ng pagkakasulat at hindi sa sinasabi/laman ng kuwento.

7. TENYENTE ng TANONG

Tinutulungan ang mga kagrupo na magtaka at makita ang mga palaisipan sa kuwento. Puwede ring makatulong siya sa pag-iisip kung ano ang lalabas sa kwis.

Epekto

Bago matapos ang taon, tinanong ko ang mga estudyante: Paano nakatulong sa iyo ang pangkat-aklat? At ano ang dapat kong gawin para mas makatulong pa ito?

Mga Epekto:
  • Napilitang magbasa para may masabi.
  • Mas naiintindihan dahil pinag-uusapan.
  • Mas mataas ang marka sa kwis kahit hindi (masyadong) nakapagbasa.
  • Nakikita ang pananaw ng iba tungkol sa kuwento.
Mga Mungkahi:
  • Habaan ang oras para sa diskusyon.
  • Bantayan nang husto ang diskusyon dahil minsan nauuwi na lang sa kuwentuhan.
  • Parusahan ang mga hindi gumagawa ng takda dahil malaking kawalan sa grupo kapag wala silang kontribusyon.
Nasubok mo na ba ito?

Ikuwento mo naman kung ano ang nangyari.

2 comments:

  1. di na masyado mahilig magbasa ngayon ang mga pilipino

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete