Nasa pormang madaling basahin sa PA system ang pagmumuning ito. At inasahan kong sasagot talaga ang buong Ateneo Grade School sa mga tanong ko (na siya ngang nangyari). Nakuha ko ang estilong 'yon sa Blues Clues at sa librong The Tipping Point. Kung anuman, cute ito para sa mga mas batang mag-aaral. Isinulat ko yata noong 2013, 2014, o 2015.
FILIPINO ARAW-ARAW
PAGMUMUNI PARA sa SIMULA ng BUWAN ng WIKA
ni Paolo Ven B. Paculan
Mga minamahal na estudyante,
Kumusta kayo?
Simula ngayong araw, ipinagdiriwang na ng buong bansa ang Buwan ng Wika.
Si Ginoong Paculan ito. Guro ako ng Filipino sa Ateneo Junior High School.
At may gusto sana kaming sabihin sa inyo. Handa na ba kayong makinig?
Filipino Araw-Araw.
Ito ang tema natin para sa taong ito.
Puwede n’yo bang ulitin: Filipino Araw-araw.
Ayan.
Iyan ang gusto kong pag-isipan natin ngayon.
Sino sa inyo ang mahilig magbasa ng libro?
Sino sa inyo ang mahilig manood ng pelikula oi mga video sa YouTube?
Sino sa inyo ang mahilig sa computer games?
Paano mo sila naiintindihan?
Malamang dahil marunong kang mag-Ingles.
Paano kung hindi ka marunong mag-Ingles?
Ano ang mawawala sa iyo?
Napakaraming libro, pelikula, video, at computer games ang hindi mo maiintindihan.
Paano naman kung hindi ka magaling mag-Filipino?
Ano ang mawawala sa iyo?
Ano ang mga hindi mo malalaman?
Ano ang hindi mo mapapanood?
Sino ang hindi mo maiintindihan o hindi ka maiintindihan dahil hindi ka magaling mag-Filipino?
May ikukuwento ako sa inyo. Ayos lang?
Dahil nagsawa na siya sa Amerika, namasyal si Superman sa Pilipinas.
Lumilipad siya isang araw at napadaan siya sa Enchanted Kingdom.
Nakapunta na ba kayo roon?
Alam ba ninyo ‘yung Rio Grande Rapids?
‘Yon, may nakita siyang mga taong nakasakay roon. sumisigaw sila:
Saklolo! Tulong!
Sabi niya: Wow, that ride sure looks fun.
At lumipad palayo.
Nalulunod na pala ang mga tao pero hindi niya tinulungan. Bakit?
Hindi niya naintindihan!
Akala niya masaya lang sila.
Buti na lang nailigtas sila ng kapwa nila Pilipino.
Kaya rin siya nandito kasi nakipaghiwalay sa kaniya si Lois Lane.
Masakit ‘yon di ba?
May nakita siyang Pilipina, napakaganda.
Kaya lumipad siyang pababa.
Sinubukan niyang makipagkilala.
“Hi, I’m Superman,” sabi niya.
“Ha?” sabi ng babae.
“Hi, I’m Superman. What’s your name?”
“Sino po sila?” sagot ng babae.
“Sinoposila. That’s a nice name. I really like you.”
Sagot ng babae: “Ah, sayang. Hindi tayo magkaintindihan. Guwapo ka pa naman.”
At lumayo sa kaniya ang babae.
Lumipad si Superman palayo, umiiyak.
Malungkot ang wakas ng kuwento ko. Bakit?
Kasi: sayang hindi magaling mag-Filipino si Superman!
Kung magaling lang siyang mag-Filipino, nailigtas sana niya ang mga Pilipinong humihingi ng tulong!
Kung magaling lang siyang mag-Filipino, nasabi sana niya ang pagmamahal niya!
Kahit si Superman walang nagawa.
Kahit si Superman kawawa.
Kung hindi siya marunong mag-Filipino sa Pilipinas.
May isa pang kuwento. Nalaman ni Superman na may kapatid siyang babae.
Ipinadala rin sa isang spaceship mula sa Krypton.
Pero dito nahulog ang spaceship sa Bulacan!
Dito sa Pilipinas lumaki ang kapatid niya.
Sabi ng kapatid niya:
“Marami pa tayong kamag-anak dito sa mundo. Alam ko kung nasaan lahat sila.Pero dahil wala akong kapangyarihan. Ikaw ang kailangang humanap sa kanila. Naiintindihan mo ba?” sabi ng kapatid niya.
Sabi ni Superman: “What?”
Sayang nakilala sana ni Superman lahat ng kamag-anak niya kung marunong lang siyang mag-Pilipino!
Ikaw, naisip mo na ba
kung ilang kaibigan
ilang kamag-anak
ilang Pilipino
ang hindi mo makikilala kung hindi ka magaling mag-Filipino?
Baka sarili mong nanay o tatay ay hindi mo makilala nang husto kung hindi!
Naisip mo na ba iyon?
Kaya importante ang Filipino.
Hindi lang paminsan-minsan.
Kundi araw-araw.
At importanteng gamitin ito at mag-ensayo nito
hindi lang tuwing may klase.
Kundi Araw-araw.
Puwede bang sabihin natin uli: Filipino Araw-araw.
Ito ang panalangin namin para sa inyo.
Na magamit ninyo ang Filipino araw-araw.
Na maging mas Pilipino rin kayo araw-araw.
Kung hindi
kahit si Superman ka pa,
wala ka ring kuwenta.
No comments:
Post a Comment