tungkol sa nagsusulat

Guro ng Filipino. Adik sa pagsasaliksik. Di raw nakakausap kapag naggigitara. Naniniwala sa mahika at grasya dahil sa mga nangyayari sa kaniyang klase at kusina.

Saturday, February 8, 2014

Paano Hulihin si Florante sa Sandaling Panahon


Sinulatan ako sa FB noong isang araw ni Mam Julie, magiting na guro ng Filipino sa Don Alejandro Roces sa Quezon City.

TANONG NIYA: 

Paano ituturo nang mabuti ang Florante at Laura ngayong isang kapat na lang ito ituturo at hindi na isang buong taon? 

SAGOT:


Dahil kaunti lang ang oras, kailangang magdesisyon kung ano ang pinakamahalagang ituro. Kailangang matiyak na maituturo ang kawawa-naman-sila-kung-hindi-maituro.

Batay sa mga pagsusulit na ibinibigay ng DepEd at sa mga pangarap natin para sa kabataang Pilipino, ito ang mga napagkasunduan namin.



1. TALASALITAAN

Lumalabas ito sa mga pagsusulit. At isang natural na bunga ng pagbabasa. Utang natin na malaman nila ang mga salitang lilo, panibugho, kundangan, at marami pang iba.

Kung saan kukunin ang depinisyon ng mga salitang wala na sa modernong diksyunaryo at kung paano ito ituturo ay paksa ng iba pang artikulo.



2. BUOD

Puwedeng ituro sa pamamagitan ng komiks, bidyo, o pagkukuwento. Pero mahalaga na malaman nila kung gaano kakakaiba (at karaniwan) ng kuwento ng Florante at Laura.

Na nakahiga si Florante sa sinapupunan ni Aladin noong nagtatalumpati ang Moro tungkol sa pagkakaibigan.

Na ang pagkakaibigan dito ay mas katulad ng makikita sa Lord of the Rings--malapit na malapit ang mga lalaki sa isa't isa. Parang sina Frodo at Sam sina Florante at Minandro.

Na dinaanan ni Florante ang dinaraanan ng mga bayani sa Panitikang Romanse. At na puwede siyang maging iyakin habang dakila rin siyang mandirigma.

3. PAGSASAULO NG MGA DAKILANG SAKNONG

Baon natin ang mga saknong ng Florante at Laura tungkol sa pagpapalaki ng anak, sa pag-iingat sa kaaway, sa pagmamahal, atbp. At dapat baon din ng mga susunod na henerasyon.

Kung memoryado ng mga Briton si Shakespeare, kailangan memoryado natin si Balagtas.

4. PAGBABASA NG SAKNONG

Kailangang kayang sabihin ng mga estudyante sa sariling salita ang ibig sabihin ng mga saknong ng akda. Hindi puwedeng palusot ang "mahirap ang mga salita" dahil ganito rin naman sa iba pang mga klasikong akda tulad ng Shakespeare (muli) at ng mga banal na teksto katulad ng Bibliyang Kristiyano.

Ngunit paano naman ito gagawin lahat nang sabay-sabay?


Kailangang hatiin sa mga yugto ang Awit. At ituro ang apat na nasa itaas para sa bawat bahagi.

Kung paanong gagawing kawili-wili at epektibo--nagtitiwala akong sapat na ang karanasan ng mga Pilipinong guro sa aspektong ito.

Saan matatagpuan ang mga salitang wala na sa mga modernong diksyunaryo?

Ako mismo nakita ko ang mga salitang ito, ngunit hindi pa rin lahat, sa Vocabulario dela lengua tagala, na inilathala noon pang 1860.

Nilista ko ang mga nahanap ko sa aklat na ito.
http://www.amazon.com/Florante-Laura-Balagtass-Translation-Annotated-ebook/dp/B009144LCY